Magsasagawa ng orientation na may layuning palakasin ang kaalaman at kakayahan ng komunidad sa pag-unawa at pagsuporta sa mga batang may espesyal na pangangailangan sa Sanchez Mira, Cagayan.
Ito ay programang inorganisa ni Chyry Collado, isang ina na may anak na batang kabilang sa may special needs.
Para magawa ito, nakipag-ugnayan si Ginang Collado sa Mayor’s Office, Municipal Social Welfare Development Office (MSWDO), at DepEd – Sanchez Mira.
Imbitado sa nasabing orientation ang isang eksperto sa larangan ng Special Education at Applied Behavior Analysis.

Si JC Bonifacio Efe ay isang qualified applied behavioral analysis supervisor at international behavior analysis organization analyst. Mayroon siyang malawak na karanasan sa pagtuturo at behavioral intervention para sa mga batang may developmental delays at autism.
Kabilang sa mga paksang tatalakayin sa orientation ay ang pag-unawa sa special needs at behavioral challenges at mga praktikal na istratehiya sa behavior management at learning support.
Ipaliliwanag din ang kahalagahan ng early intervention at consistent support, maging ang pagpapalakas sa kumpiyansa ng magulang at guro.
Pinaaabisuhan ang mga gustong dumalo na makipag-ugnayan kay Ginang Chyry Collado sa cellphone number 0917-154-5401 para sa maayos na daloy ng programa at sapat na accommodation.

Bukas ang orientation para sa mga magulang at pamilya ng batang may special needs, mga guro at caregivers sa Sanchez Mira, at mga interesadong kalahok mula sa karatig-bayan ng Sanchez Mira.
“Huwag palampasin ang pagkakataong ito na matuto at makiisa. Sama-sama nating buuin ang isang komunidad na mas nakakaunawa, mas handang umagapay, at mas may malasakit sa bawat batang may espesyal na pangangailangan.” sabi sa post ng Sanchez Mira LGU.
Ang nasabing orientation ay magaganap sa March 19, sa MDRRMO Operations Center, Sanchez Mira.